NAGA CITY- Ipinatupad na ang road closure sa mga major na areas na dadaanan ng fluvial procession kaninang alas 12 y punto ng tanghali ilang oras bago ang pagsisimula ng nasabing aktibidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCPT Gil Guban III, Special Service Team, Community Crime and Detention Unit ng Naga City Police Office sinabi nito na mas mahigpit ang seguridad ngayong araw lalo pa’t inaasahan ang mahabang prusisyon na daraan sa ilog.
Kaugnay nito, maaga pa lamang, isinara na rin ang mga tulay sa mga sasakyang daraan lalo na sa may bahagi ng Tabuco, Colgante at iba pang daraanan ng procession upang maiwasan ang sakuna at ito ay mananatili mamayang gabi hanggat hindi natatapos ang aktibidad.
Mahigpit na ipinagbabawal ang suksukan at pagtipon-tipon sa mga tulay lalo na ng mga deboto at bisita upang hindi na muling mangyari ang trahedya sa Colgante Bridge taong 1972 na ikinasawi ng maraming tao sa kasagsagan din noon ng Fluvial Procession.
Ayon pa kay Guban, paunti-unti an ring mararamdaman ang signal jamming at mahigpit na pagbabawal sa pagpapalipad ng hindi otorisadong mga drone.
Samantala, nananatili naman na mahigpit ang pagbabantay ng mga kapulisan katuwang ang ibat ibang mga augmented personnel kung saan ipinapatupad pa rin ang heightened alert status sa kanilang hanay.
Punong abala ang hanay ng Coast Guard na siyang magbabantay sa pagoda at titiyak sa kaligtasan ng lahat ng sasama sa bangka.
Mayroon rin na naka standby na mga ambulance, at mga first aid desk ang Red cross para sa mangangailangan ng atensyong medikal.
Ilang oras bago ang pagsisimula ng procession, nagpa-alala na ang Simbahan sa mga voyadores na iwasang umakyat sa andas ni Ina at ni El Divino Rostro upang maiwasan ang anuman na aksidente at manatiling solemn ang procession.
Sa nakaraang traslacion kasi hindi naiwasan na maitala ang mga pasaway na indibdiwal na kung saan umakyat ang mga ito sa andas ni Ina Penafrancia kung kaya mas mahigpit ngayon ang ginagawang pagbabantay ng Simbahan at otoridad.
Sa ngayon, patuloy ang pagbuhos ng mga deboto at inaasahan na maya-maya lamang ay mapupuno na ang Naga Cathedral at mga lansagan na daraanan ng Fluvial Procession.