Binigyan umano ng travel clearance ng House of Representatives si Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez para bumiyahe sa Singapore, ayon sa kanyang abogado, sa kabila ng umiiral na imbestigasyon at immigration lookout bulletin order kaugnay ng umano’y flood control scandal.

Ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado ni Romualdez, pinahintulutan ng Kamara ang paglalakbay ng mambabatas, na taliwas sa naunang pahayag ng Office of the Ombudsman na hindi nito inirekomenda ang kanyang pag-alis ng bansa.

Ipinaliwanag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na si Romualdez ay nasa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, kaya’t mas mainam umanong manatili na lamang ito sa bansa habang nililitis ang kaso.

Gayunman, giit ng kampo ni Romualdez na hindi ito travel ban kundi koordinasyon lamang sa immigration, at nanindigan silang may naibigay nang travel authority para sa kanyang biyahe.

Advertisement

Sa isang video statement, sinabi ni Romualdez na bibiyahe siya sa Singapore mula Abril 20 hanggang Mayo 4 para sa follow-up medical checkup matapos ang kanyang angioplasty. Tiniyak din niya na babalik siya sa bansa at patuloy na tutupad sa kanyang tungkulin sa Kongreso.

Samantala, humihirit ang Office of the Ombudsman ng precautionary hold departure order laban sa mambabatas kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y ₱56-bilyong flood control kickback scheme, kung saan siya ay sinasabing may mataas na posibilidad na tumakas at posibleng sangkot batay sa mga testimonya at affidavit ng ilang personalidad.

Advertisement