Ipinag-utos ng Second Division ng Sandiganbayan ang precautionary hold-departure order (PHDO) laban kay Benguet Rep. Eric Yap at sa kanyang kapatid na si dating ACT-CIS party-list Rep. Edvic Yap kaugnay ng iniimbestigahang kaso ng malversation at graft.
Batay sa kautusan, hindi maaaring umalis ng bansa ang magkapatid habang isinasagawa ng Office of the Ombudsman ang preliminary investigation sa mga reklamong inihain ni Vince Dizon, kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyektong flood control.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang PHDO ay hinihiling sa yugto ng preliminary investigation upang matiyak na mananatili sa hurisdiksyon ng bansa ang mga respondent na itinuturing na posibleng flight risk. Aniya, ito ay isang precautionary measure.
Nauna nang tinukoy ni Dizon si Rep. Yap bilang “person of interest” matapos umanong may lumabas na ebidensya na nag-uugnay sa kanya bilang beneficial owner ng Silverwolves Construction Corp., na nakakuha ng mahigit P16 bilyong halaga ng public works projects mula 2022 hanggang 2025. Ilan sa impormasyon ay nagmula umano kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sinabi rin ni Dizon na maaaring may paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019) at malversation of public funds with falsification of public documents ang magkapatid. Nagbitiw sa puwesto si Edvic Yap noong Pebrero.
Samantala, sa hiwalay na pagdinig, sinimulan na ng Sixth Division ng Sandiganbayan ang paglilitis sa kasong malversation laban kay dating kongresista Zaldy Co at 15 iba pa kaugnay ng umano’y P289.5-milyong substandard flood control project sa Oriental Mindoro. Idineklara na ng korte si Co bilang fugitive matapos itong mabigong humarap sa pagdinig.








