Pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division ang hiling ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na sumailalim sa hospital arrest.
Sa inilabas na resolusyon ng korte, pinahintulutan si Bonoan na manatili sa Philippine National Police (PNP) General Hospital sa Camp Crame sa halip na ilipat sa The Medical City.
Ayon sa mosyon na inihain ng kanyang abogado, mahalagang manatili ang dating kalihim sa naturang ospital dahil sa kanyang edad at mga iniindang karamdaman.
Mananatili si Bonoan sa PNP General Hospital habang dinidinig at nakabinbin ang kanyang mga kaso sa Sandiganbayan.
Matatandaang isinugod sa ospital si Bonoan matapos ipalabas ng Sandiganbayan ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong plunder.
Kabilang si Bonoan sa mga nahaharap sa kasong graft at plunder kasama si Senador Jinggoy Estrada at iba pang akusado kaugnay ng umano’y anomalya sa isang flood control project.










