NAGA CITY- Patay na nang matagpuan ang katawan ng isang sanggol habang palutang-lutang sa ilog na sakop ng Tayabas City.

Tinatayang pito o walong buwan pa lamang ang naturang sanggol.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang papunta sa Alitao River, Sitio Ibaba, Brgy. Wakas sa nasabing lungsod ang grupo ng mga kabataan para manghuli ng isda ng makita ng mga ito ang palutang-lutang na katawan ng biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na posibleng iniwan lamang ng mga magulang nito sa naturang lugar ang nasabing sanggol.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.