NAGA CITY- Patay ang lima katao habang 14 apat naman ang sugatan kasama na ang dalawang menor de edad matapos sumalpok sa poste ng isang internet provider ang sinasakyang van sa Ragay, Camarines Sur.
Kinilala ang mga namatay na sina Ryan Desuacedo, 25-anyos; Jedro Polo, 24-anyos; Gabby Duhapa, 21-anyos at dalawang kataong hindi pa pinapangalan habang nagtamo naman ng mga sugat sa kanilang katawan ang 14 na iba pa.
Ayon kay PMaj. Ryan Remando, hepe ng Ragay Municipal Police Station, galing pa sa Balintwak, Quezon City ang mga biktima at uuwi sana sa Irosin, Sorsogon para bumoto sa darating na May 9, 2022 election.
Ngunit sa kasamaang palad, pagdating sa bahagi ng Andaya Highway, Barangay Port Junction Norte sa bayan ng Ragay, nang pumutok ang kanang gulong ng nasabing sasakyan bago ito tuluyang sumalpok sa nasabing poste.
Dagdag pa ni Remando, mabilis umano ang patakbo ng driver ng van na kinilalang si Reyno Polo, 47-anyos, kung kaya tila naging nayuping lata ang sasakyan nang sumalpok ito sa poste na naging dahilan ng pagkamatay ng lima katao at ikinasugat naman ng 14 iba pa.
Ayon pa sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nabatid na magpipinsan ang nasabing mga biktima.
Samantala, maituturing naman umanong accident prone area ang nasabing lugar kung kaya paalala na lamang ni Remando sa lahat ng mga drivers na mag-ingat sa tuwing nagmamaneho para maiwasan ang kahalintulad na aksidente.