Photo © web

Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ni dating presidential spokesperson Harry Roque na kumukwestyon sa kanyang pag-aresto kaugnay ng imbestigasyon ng House Quad Committee sa umano’y ilegal na POGO operations noong 2024.

Sa 12-pahinang desisyon ng Supreme Court En Banc, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na moot at academic na ang petisyon matapos bawiin ng House Quad Committee ang contempt order laban kay Roque at matapos ang sesyon ng ika-19 na Kongreso noong Hunyo 2025.

Ayon sa Korte Suprema, wala na itong maibibigay na praktikal na lunas sa petisyon ni Roque dahil sa mga nasabing pangyayari, kaya’t ito ay tuluyang ibinasura.

Matatandaang naglabas ng contempt order ang QuadCom laban kay Roque noong Setyembre 2024 at iniutos ang kanyang detensyon matapos siyang tumangging magsumite ng mga dokumento na magpapaliwanag sa umano’y pagtaas ng kanyang yaman.

Advertisement

Dahil dito, naghain si Roque ng petisyon sa Korte Suprema, kabilang ang writ of amparo, certiorari, at prohibition upang mapigilan ang kanyang pag-aresto at ang pagpapatupad ng utos ng QuadCom. Gayunman, tinanggihan ng SC ang kanyang hiling na writ of amparo, na hindi umano angkop na remedyo laban sa contempt at detention orders.

Ang desisyon ay inilabas noong Disyembre 2025 at isinapubliko nitong Marso 2026.

Sa kasalukuyan, hindi pa nakababalik sa bansa si Roque habang nahaharap sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng Lucky South 99 POGO firm. Nauna na rin siyang humiling ng asylum sa Netherlands, ngunit ayon sa kanya, nakadepende ang naturang proteksyon sa gobyerno ng Austria na nagbigay ng kanyang visa.

Advertisement