NAGA CITY- Ibinahagi ng isang opisyal mula sa Camarines Sur Maritime Police Station ang kanilang programa na tinatawag na School in a boat program.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PSSg Joel G Moriño, Chief PCR PNCO ng Camarines Sur Maritime Police Station, sinabi nito na layunin ng nasabing programa na mabigyan ng non-formal education ang mga out of school children na nag-eedad 4-anyos hanggang 7-anyos mula sa mga coastal area. Ang nasabing programa ay konsepto ni PBGEN. Jonathan A. Cabal, Director ng Maritime Group na sinuportahan ng buong hanay.
Ayon kay Moriño, gamit ang bangka bilang mobile classroom, tinuturuan ang mga bata ng mga License Professional Teachers na mula sa kanilang opisina ng good manners and right conduct, patriotism, pangangalaga sa kapaligiran at iba pa na makakatulong sa pagpapa-unlad ng kanilang buhay.
Kaugnay nito, sa pakikipag-ugnayan sa barangay at magulang, nakakuha ng nasa 10 beneficiary na walang access sa formal education mula sa Balogo, Pasacao, Camarines Sur ang nasabing hanay.
Dagdag pa ng opisyal, Agosto 13, 2024 ng ilunsad ang programa kung saan every week nagkakaroon umano ng meeting sa mga bata, nagbibigay ng school supplies at worksheets sa mga ito upang makatulong sa kanilang pag-aaral.
Sa kabilang banda, maliban sa School in a boat program, mayroon ding tinatawag na Adopt-a-child program na sinusuportahan ang PNP Maritime Group.
Sa nasabing programa, mayroong tinutulungan na mga mag-aaral hanggang sa makapagtapos ng senior high school, mayroong araw-araw na allowance at school supplies.
Maliban dito, naandiyan din ang adopt a marine protective area na layuning maprotektahan ang mga itinuturing na fishing ground laban sa mga iligal na pangingisda.
Sa ngayon, tiniyak naman ng opisyal na patuloy ang kanilang pagbuo ng mga magagandang programa na makakatulong sa mga komunidad.