NAGA CITY- Iminungkahi ng isang doktor sa Camarines Sur, ang mga hakbang kaugnay sa pagtaas ng kaso ng dengue mula Enero hanggang sa kasalukuyang panahon sa probinsya kumpara sa nakalipas na taon.
Ayon kay Dr. Rey Millena – DOH-Camarines Sur Provincial Health Officer, sinabi nito na nasa 100% increase na ang kaso ng dengue sa probinsya kung kaya’t ang mahalaga umano ang pagsasagawa ng search and destroy. Kagaya na lamang ng mga nakatiwangwang na mga goma; balde walang takip at may stock na tubig; ang paglilinis sa mga kanal at iba pang pwedeng pamugaran ng lamok.
Aniya, dapat magkaroon ng disiplina ang bawat mamamayan at gawin ang mga simpleng bagay na makakatulong upang maiwasan na magkasakit at magkaroon ng kaso ng dengue sa kanilang lugar. Lalo na’t naitala ang mga pagbaha sa probinsya dulot ng nagdaang bagyong Enteng, kung kaya’t mas mainam umano na magsagawa ng tamang fogging sa bawat lugar.
Malalaman naman umano na mayroong sintomas ng nasabing sakit ang isang tao kapag ito ay may mataas na lagnat at umabot na sa mahigit tatlong araw, Pagduduwal at pagsusuka; pagkakaroon ng Pantal at pananakit sa mga kalamnan, kasukasuan, o buto.
Kaugnay nito, mayroon namang mga dengue fast lane ang mga ospital kung kaya’t hinikayat rin ng doktor ang may mga nararamdaman ng nasabing sintomas na magpakonsulta agad sa mga doktor.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang itinatag na Local Epidemiological Surveillance Unit kung saan ito ay dapat hindi mawala sa mga munisipyo, lungsod, at provincial upang mamonitor nila ang kaso ng nasabing sakit at makagawa ng mga interventions.