NAGA CITY – Mas pinaigting ng isang barangay kapitan sa Pasacao, Camarines Sur ang mga hakbang upang maiwasan ang mga kaso ng dengue at malnutrisyon sa kanilang lugar lalo na ngayong tag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Randy Latosa, Kapitan ng Brgy. Caranan, Pasacao, Camarines Sur, sinabi nito na napapaligiran na ng mga seawall ang kanilang barangay kaya protektado ang mga kabahayan sa pagbaha sakaling magkaroon ng masamang panahon.
Iginiit din ng kapitan ng barangay na malaking tulong ang seawall sa kanilang lugar lalo na at inaasahan na ang pagbuhos ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, bukod sa paghahanda ng kanilang barangay ngayong tag-ulan, nagsasagawa rin sila ng mandatory clean up drive para sa mga residente, opisyal ng barangay at iba pang manggagawa alinsunod sa programa ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang mga kaso ng dengue sa kanilang nasasakupan.
Bukod dito, ang DSWD sa pakikipagtulungan ng DOH ay nagpapatuloy sa kanilang feeding program para sa mga batang malnourished. Kung saan, ito rin ang tinututukan nila lalo na ang mga daycare pupils.
Nilinaw din ng kapitan na halos hindi nauubos ang kaso ng malnutrisyon sa kanilang lugar ngunit kontrolado rin ito.
Sa ngayon, hinihikayat na lamang ng opisyal ang mga magulang na panatilihin ang pagsubaybay sa pagkain ng kanilang mga anak upang maiwasan ang mga ito na magkasakit lalo na ngayong tag-ulan.