Pinalawig ng Securities and Exchange Commission (SEC) hanggang Disyembre 31, 2026 ang 50 porsiyentong diskuwento sa bayarin sa pagpaparehistro ng securities para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) upang mahikayat ang mas maraming negosyo na makalikom ng pondo sa pamamagitan ng capital market.
Ayon sa SEC, saklaw ng pinalawig na diskuwento ang pagpaparehistro ng securities ng mga korporasyong nagsasagawa ng public offering, kabilang ang mga dumaraan sa pinasimpleng proseso ng ahensya para sa mga kumpanya ng power generation at distribution utilities, real estate developers at managers na may kaugnayan sa rental pool deals, mga agribusiness firm, at mga ospital.
Sinabi ng SEC na kasabay ng naturang insentibo ang umiiral na 20 porsiyentong diskuwento para sa mga MSME na nagpo-proseso o nagsasaayos ng kanilang corporate registration.
Bukod dito, maaari ring makinabang ang mga MSME na nagdaragdag ng kanilang authorized capital stock sa pamamagitan ng pag-amyenda sa kanilang articles of incorporation, kung saan may nakalaang 25 porsiyentong diskuwento sa filing fees.
Layunin ng mga insentibong ito na hikayatin ang mas maraming maliliit na negosyo na maging pormal na rehistrado at magkaroon ng mas malawak na akses sa pagpopondo para sa pagpapalawak ng kanilang operasyon.










