NAGA CITY- Arestado ang isang security guard matapos walang tigil na magpaputok ng baril sa loob ng Partido State University sa Goa, Camarines Sur.

Kinilala ang suspek na si Samuel Base, 46-anyos.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan si Base at ang kasamahan nitong security guard na si Jomar Malijacan habang parehas na nakaduty sa loob ng nasabing campus.

Ngunit nauwi ito sa pag-aaway at pagpapaputok ng baril ni Base gamit ang kaniyang service caliber 9mm pistol resulta upang i-turn over ito ng isa pang security guard na si Ryan Nagrampa sa Goa PNP at ang ginamit na service firearm.

Narekober pa sa lugar ang tatlong fired cartridges ng nasabing klase ng baril.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing suspek para sa karampatang disposisyon.