Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na magkahiwalay na usapin ang kinakaharap na reklamong sedisyon at ang impeachment complaint laban kay Sara Duterte.
Ayon kay Polo Martinez, walang magiging epekto ang sedition case sa isinasagawang pagdinig ng impeachment complaint laban sa bise presidente.
Ipinaliwanag niya na magkaiba ang impeachment complaint at criminal complaint, at sumasailalim ang mga ito sa magkaibang proseso.
“None. Magkaiba po ang impeachment complaint sa criminal complaint. They refer to two different and distinct proceedings,” pahayag ni Martinez.
Matatandaan na sinampahan ng reklamong sedisyon at grave threats si Duterte ng National Bureau of Investigation noong 2025. Kaugnay ito ng naging pahayag ng bise presidente na naglalaman umano ng pagbabanta sa buhay nina Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta-Marcos, at Martin Romualdez.
Ang parehong isyu ay ginamit ding isa sa mga batayan sa inihain na impeachment complaint laban kay Duterte na kasalukuyang dinidinig sa komite ng Kongreso.
Gayunman, binigyang-diin ng DOJ na hindi makaaapekto ang kasong kriminal sa takbo ng impeachment proceedings na kinakaharap ng ikalawang pangulo.








