NAGA CITY – Lalo pa umanong papaigtingin ng pamahalaan ng Indonesia ang security matapos ang nangyaring suicide bombing.
Nangyari ang naturang pagsabog sa harap mismo ng isang Catholic church sa Makassar City kung saan 14 katao ang nasugatan.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Remar Robles-Salero, isang guro sa Jakarta sa naturang bansa, sinabi nito na tila sinamantala ng mga suspek ang dami ng tao sa lugar para gawin ang naturang krimen.
Una umano rito, mayroong dalawang suspek ang nagpupumilit na makapasok sa simbahan ngunit napigilan naman ito ng mga otoridad na noo’y mahigpit na nagbabantay sa lugar.
Samantala, mariin naman umanong kinondena ni Indonesian President Joko Widodo ang naturang suicide bombing sa mismong pagdiriwang ng Palm Sunday.
Sa ngayon, aniya hindi pa matukoy ng mga otoridad ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.