Iginiit ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na napilitan siyang sagutin ang mga pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta matapos umano ang paulit-ulit na pagbatikos sa kanya, na nag-udyok sa kanya na magbigay ng privilege speech sa Senado.

Sa isang panayam, sinabi ni Lacson na matagal na niyang pinipigilan ang sarili na mag-react sa mga pahayag ni Marcoleta, ngunit nagpasya siyang sumagot matapos siyang muling punahin nito sa plenaryo.

Ayon kay Lacson, minonitor niya ang talumpati ni Marcoleta habang nasa kanyang opisina at doon na siya nagpasya na tumugon. Aniya, halos hatinggabi na silang nakauwi ng kanyang staff matapos ihanda ang kanyang privilege speech.

Sinabi rin ng senador na matagal na umano siyang pinupuntirya ni Marcoleta sa mga pahayag nito kaya napilitan na siyang magsalita.

Advertisement

Dagdag pa niya, sa kanilang pagsasaliksik ay napansin ng kanyang grupo na may pagkakatulad umano ang ilang pahayag ni Marcoleta tungkol sa West Philippine Sea sa mga posisyon ng Ministry of Foreign Affairs of the People’s Republic of China.

Ayon kay Lacson, nakakabahala umano ito dahil may kinalaman ang usapin sa pambansang seguridad, lalo na sa gitna ng maselang sitwasyon sa rehiyon.

Gayunman, sinabi ni Lacson na hindi siya ang nagsisimula ng alitan sa Senado ngunit handa siyang sumagot kung siya ay aatakihin o iinsultuhin. Aniya, “Enough is enough,” at hindi na umano niya hahayaan na patuloy siyang batikusin nang walang sagot.

Advertisement