Iginiit ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson na malayo sa katotohanan ang pahayag ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines na nakapag-deliver umano sila ng P805 bilyon mula 2023 hanggang kamakailan sa ilang pulitiko, kabilang sa Palasyo.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na kung hindi kayang kwentahin ng isang tao ang katotohanan, hindi dapat magbigay ng numero dahil ito ay maaaring mabigo sa “test of believability.” Tinukoy niya ang sinasabing P805-bilyong cash delivery scheme bilang halimbawa ng hindi kapanipaniwalang ulat.

Tugon din ni Lacson sa ilang panawagang ipatawag ang 18 dating Marines sa isang pagdinig upang “mabuking” kung nagsisinungaling, at iginiit na ang layunin ng Blue Ribbon Committee hearings ay tuklasin ang katotohanan, hindi lamang ilantad ang kasinungalingan.

Aniya, bukod sa napakalaking logistical na hamon ng paglipat ng 805 metric tons ng perang papel, may isyu rin ng oras sa pagbababa, pagbibilang, muling pag-iimpake, at pagdedeliber na aabot umano hanggang 2027 o 2028 kahit pa magtrabaho nang 24/7 ang mga sangkot.

Advertisement

Bilang tugon sa mga pahayag ng abogado na si Levito Baligod, na nagpakita ng 18 dating sundalo na sangkot sa iskema, sinabi ni Lacson na bukas siyang makipagpulong kay Baligod upang maiayon ang testimonya ng kanyang mga kliyente sa “realm of possibilities” nang hindi sinasakripisyo ang dignidad at integridad ng imbestigasyon ng komite.

Aniya, tungkulin niyang suriin ang kredibilidad ng pinagmulan at impormasyon bago magpatawag ng pagdinig upang maiwasan ang mga hearing na mauwi sa sirko o joyride.

Advertisement