Ikinadismaya ni Sen. Loren Legarda ang hindi pagdalo ni Energy Secretary Sharon Garin sa unang pagdinig ng Senate ad hoc committee hinggil sa paghahanda ng pamahalaan sa posibleng epekto ng krisis sa Gitnang Silangan, ngayong Marso 24, 2026.
Isinagawa ng PROTECT Committee ang pagdinig kung saan napansin ng mga senador ang kawalan ng kalihim ng Department of Energy (DOE). Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, naging abala umano si Garin kaya hindi agad nakadalo.
Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Legarda, na iginiit na mahalaga ang presensya ng lahat ng kinauukulang opisyal sa ganitong kritikal na usapin. Aniya, kung ang ibang opisyal gaya ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ay nakadalo, hindi dapat naging hadlang ang pagiging “busy” ng DOE chief.
Binigyang-diin din ng senadora na hindi dapat inuuna ang ibang gawain kaysa sa pagtalakay ng crisis action plan, lalo na kung may kinalaman ito sa posibleng epekto sa suplay ng enerhiya at ekonomiya ng bansa.
Sa pagdinig, kinuwestiyon din ni Legarda ang paliwanag ng DOE hinggil sa hindi agarang paggamit ng supplemental budget para sa Philippine National Oil Company (PNOC). Hindi niya tinanggap ang dahilan na naka-break umano ang Senado, at iginiit na maaari namang magsagawa ng special session para sa mahahalagang usapin.
Kalaunan ay dumating din si Garin sa pagdinig, subalit lumutang ang kakulangan sa koordinasyon sa pagitan ng DOE at Senado. Ayon kay Gatchalian, kahit naka-break ang Kongreso, may mga mekanismo upang agad matugunan ang mga agarang pangangailangan, kabilang ang banta ng krisis sa enerhiya.









