Nagpakita ng matinding pagkadismaya si Senador Rodante Marcoleta sa umano’y kapabayaan ng Department of Energy (DOE) sa pagmonitor ng lumulobong presyo ng langis, sa ginanap na pagdinig ng Senate PROTECT committee.
Kinwestyon ni Marcoleta, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, ang biglaang pagtaas ng presyo ng diesel at kerosene, kahit na may umiiral pang inventories. Ayon sa kanya, noong nakaraang linggo ay may 46 araw na imbentaryo para sa diesel at 53 araw para sa kerosene, ngunit tumaas ang presyo ng diesel mula P55 hanggang P110 kada litro.
Ipinaliwanag ni DOE Oil Management Bureau Director Rino Abad na kinolekta ng mga oil company ang halaga ng ibinenta nilang produkto upang makabili ng seven-day replacement stock. Ngunit iginiit ni Marcoleta na dapat ginamit ng DOE ang kanilang kapangyarihan upang hilingin ang dokumentasyon mula sa mga oil company at siyasatin ang biglaang pagtaas.
“Did you check the oil companies? Kinuha nyo yung document? Kanino nila binili? Makikita nyo ba kung magkano binili? Did you check that?” tanong ni Marcoleta kay Abad, na sumagot ng “Not in that.”
Dahil sa kakulangan ng malinaw na sagot, tumayo at umalis si Marcoleta sa session hall habang nagpapatuloy ang hearing. Tinanong siya ni Senador Loren Legarda: “Bakit ka aalis kung frustrated ka? Wala kang sagot na nakuha?”
Ang pangyayari ay nagpakita ng tensyon sa pagitan ng mga senador at DOE sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na labis na nararamdaman ng publiko.













