Personal na binisita ni Senator Imee Marcos ang Naga City Heart Warriors Surgical Mission sa Bicol Medical Center upang alamin ang mga bagong malalaking development dito pagdating sa medisina.

Masaya naman ang senadora sa malaking tagumpay na naisagawa ng ospital sa pamamagitan ng matagumpay na pagsasagawa ng open heart surgery na hindi na kailangan pa na dalhin sa Metro Manila upang doon isagawa ang surgery.

Sa naging pahayag ng senadora sinabi nito na medyo nagulat ito at nagtaka kung bakit hindi na nito nababalitaan na may dinadalang katulad na pasyente ang BMC sa Metro Manila kung kaya nag desisyon ito na personal na bumisita sa ospital.

Natutuwa aniya si Marcos dahil ang mga katulad na malalaking operasyon ay nagagawa na rin sa mga lalawigan at hindi na kakailanganin pang i-biyahe ng ilang oras ang pasyente bago maisagawa ang surgery.

Dagdag pa ng opisyal na simula ng maging senador ito ay palagi itong tumutulong sa mga heart warriors at ipinagpapasalamat nito na mayroong pagkukusa ang BMC na magkaroon ng kung ano ang mayroon sila ngayon na nakakapagligtas sa mga taong may sakit sa puso.

Maliban pa dito, isa pa aniya sa mga tinututukan nito ay ang patuloy na pagtulong sa mga estudyante na may pinansyal na pangangailangan upang maipagpatuloy at matapos nila ang kanilang pag-aaral lalo na ngayon na mas mahirap na ang buhay.

Sa kabilang banda, nanghihinayang naman ang senadora sa pagkabaon na ng isyu ng mga tren sa bansa, ito’y dahil kadalasan umano sa nagiging problema ay ang right of way na dahilan kung bakit hindi na nagagamit ang mga tren.

Ang nasabing problema ay dahil sa pagdami na ng mga informal settlers malapit sa riles na dahilan upang maging imposible na itong madaanan.