NAGA CITY- Patay ang isang persona matapos ang nangyaring vehicular accident sa National Road ng Barangay Kulapi, Lucban, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Pedro Gaanany Tabi, 65-anyos, residente ng Miramonte Subdivision, Barangay Tinamnan ng nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provencial Office, nabatid na habang binabaybay ng biktima sakay ng isang motorsiklo ang kahabaan ng National road ng nasabing barangay nang aksidente itong masalpukan ng minamanehong sasakyan ng suspek na kinilala naman na si Ignacio Cabalsa, 57-anyos at residente ng Barangay San Diego Z-2 Munting Bayan, Tayabas, City.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na hindi umano napansin ng suspek ang presensya ng motorsiklo na minamaneho ng biktima na naging dahilan ng pagkakabangga nito.

Agad namang itinakbo sa pinakamalapit na ospital ang biktima ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.