NAGA CITY – Patay ang isang lola matapos na barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Buenavista, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Elena Medalla, 62-anyos, residente ng Sitio Tiwtiw, Brgy. San Diego sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nag-iinuman ang biktima kasama ang mga kamag-anak nito sa balkonahe ng kanilang bahay nang makarinig na sana ang mga ito ng putok ng baril sa likurang bahagi ng biktima.
Dito naman napansin na mayroon nang tama ng bala ng baril sa kaniyang likod si Medalla na lumampas pa sa kaniyang dibdib.
Agad naman sanang dinala sa pagamutan ang biktima ngunit ideklara rin itong dead-on-arrival ng mga doktor.
Samantala, sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, ang nasabing suspek umano ay armado ng 12 guage shotgun.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga awtoridad laban sa hindi pa nakikilalang suspek.