Naabsuwelto ang international pop star na si Shakira sa kasong tax fraud sa Espanya matapos ang halos sampung taon ng paglilitis, ayon sa desisyon ng National High Court.
Pinawalang-sala ng korte si Shakira sa paratang na hindi siya nagbayad ng tamang buwis noong 2011, matapos mapagdesisyunan na hindi napatunayan ng tax authorities na umabot siya sa kinakailangang 183 araw na paninirahan sa bansa. Lumabas sa rekord na 163 araw lamang ang kanyang pananatili sa Espanya.
Dahil dito, inutusan ang gobyerno na isauli ang mahigit €55–60 milyon (katumbas ng humigit-kumulang $70 milyon o ₱4.27 bilyon) na sinasabing maling ipinataw na multa, kasama ang interes.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Shakira na hindi siya kailanman napatunayang nagkasala at binatikos ang naging kampanya na umano’y sumira sa kanyang reputasyon sa loob ng halos isang dekada. Ayon pa sa kanya, iniaalay niya ang tagumpay sa mga indibidwal na nakararanas ng pang-aabuso sa sistemang buwis.
Matatandaang kilala ang Spain sa mahigpit na pagbabantay sa mga kilalang personalidad sa usapin ng buwis, kabilang sina Lionel Messi at Cristiano Ronaldo. Lumabas ang desisyon ilang araw matapos ianunsyo si Shakira bilang isa sa halftime performers sa FIFA Men’s World Cup final ngayong tag-init.








