NAGA CITY- Planado ang nangyaring shooting incident sa isinagawang rally ni dating US Pres. Donald Trump sa Butler, Pennsylvania.
Maalala, habang nasa kasagsagan ng pagsasalita si Trump nang bigla na lamang umalingawngaw ang sunod-sunod na malalakas na putok ng baril sa nasabing lugar.
Sa report ni Bombo International News Correspondent Pinoy Legarda Gonzales, mula sa Estados Unidos, sinabi nito na asasinasyon ang nangyari at kung hindi kaagad nakadapa si Trump, target ng gunman ang kanyang ulo.
Ayon pa kay Gonzales, tinamaan rin sa kanyang tainga si Trump habang binawian rin ng buhay ang isang audience at nasa kritikal na kondisyon ang dalawa pa. Gayundin, nasawi naman ang nasabing sniper matapos ang insidente.
Naniniwala naman si Gonzales na mayroong kinalaman sa pagtakbo ni Trump sa pagka-presidente ang insidente lalo na at base sa survey nasa frontrunner na ngayon si Trump at mataas ang posibilidad na kanyang tatalunin si US President Joe Biden.
Kaugnay nito, meron namang malaking epekto ki Biden ang nangyari dahil ito ang kalaban ni Trump sa eleksyon at hindi umano maaalis sa mga tao na makapag-isip ng masama sa kasalukuyang Presidente ng US.
Ngunit una na ring nagpalabas ng kanyang mensahe si Biden kung saan kinondena nito ang insidente at matuwa naman matapos na malaman na nasa mabuting kalagayan na si Trump.
Samantala, ayon pa kay Gonzales na nagsimula na ang imbestigasyon kaugnay sa insidente kung saan, iniulat na rin ng FBI ang pagkakakilanlan ng suspek. Ayon naman sa ipinalabas na statement ni Donald Trump, binigyan-diin nito na sinadya ang pambabaril sa kaniya.