NAGA CITY – Hinulma ng isang pamilya na mahilig sa sports ang Silver medalist na si Mark Harry Diones na tubong Libmanan, Camarines Sur.
Maaalala na nakapagtala si Diones ng 15.87 meters leaped para sa silver medal habang ang pambato naman ng Malaysia na si Andre Anura Anuar ay nakapagtala ng 16.51 meters leaped para sa gold medal sa men’s triple jump sa nagpapatuloy na 31st SEA Games.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Diones, sinabi nito na hindi naman na ito bago sa larangan ng track and field dahil dati na rin naman itong sumabak sa torneyo noong taong 2006.
Sa katunayan, ito na umano ang ikatlong beses na nakakuha ito ng silver medal sa SEA Games.
Samantala, gaya ng ibang atleta, hindi rin naging madali ang pagsasanay nito dahil sa naging epekto ng pandemya dahil nalimitahan rin nito ang kanilang mga paggalaw.
Kaugnay nito, aminado naman ang atleta na dumaan rin ito sa depresyon ng mamaalam ang kaniyang ama bago ang laban nito sa SEA Games na naging malaking kawalan umano dahil ito ang nagpapalakas sa kaniyang loob kada mayroon itong laban.
Ngunit sa halip na mas malubog sa kalungkutan, ginamit ito ni Diones bilang inspirasyon sa kaniyang laban at iniaalay rin nito ang kaniyang pagkapanalo na nagbigay rin ng pagkilala sa bansa sa kaniyang ama.
Samantala, labis-labis naman ang pasasalamat ni Diones sa Diyos dahil sa paggabay nito sa kanya upang masungkit ang nasabing tagumpay.