NAGA CITY – Matagumpay na naisagawa ng Naga City Police Office ang sabay-sabay na pagpapatupad ng search warrant para sa tatlong high value na indibidwal na matagal nang minamanmanan ng pulisya sa loob ng Naga City dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni PLt.Col Chester Pomar, tagapagsalita ng Naga City Police Office, na sa sabay-sabay na pagpapalabas ng search warrant, dalawang suspek ang naaresto habang ang isa ay nakatakas at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Ayon sa nasabing opisyal, kinilala ang isa sa mga naaresto na si alyas Long, 68-anyos na lalaki, residente ng Barangay Balatas Naga City, at isang dental technician, kung saan ay nakunan ito ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P17,000.
Dagdag pa ni Pomar, dati nang nakulong dahil sa parehong kaso ng pagkakasangkot sa iligal na droga ang suspek at nakalabas mula sa kulungan noong nakaraang taon.
Samantala, kinilala naman ang isa pang lalaking residente ng Barangay Cararayan Naga City, kung saan narekober dito ang walong heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400 at isang caliber 45 na may walong live ammunition.
Kinilala naman ang nakatakas na suspek na si Alyas Owak, residente ng Barangay Balatas, kung saan nakuha sa kanyang bahay ang 14 na heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang syabu na nagkakahalaga ng P13,600.
Ayon pa sa opisyal, ang pagsasagawa ng simultaneous operation ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng NCPO para labanan ang pagkalat ng ilegal na droga sa lungsod.
Tiniyak din ng opisyal na patuloy nilang babantayan ang mga tulak ng droga at patuloy na magsasagawa ng pag-iisyu ng search warrant lalo na sa mga high value na indibidwal na patuloy na nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa lungsod ng Naga.