Posibleng magtaas ng humigit-kumulang 5% ang singil ng ilang pribadong ospital sa bansa sa mga susunod na buwan dahil sa patuloy na epekto ng oil crisis, ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi).
Ayon kay PHAPi president Dr. Jose Rene De Grano, malaki ang epekto ng pagtaas ng presyo ng diesel sa operasyon ng mga ospital, partikular sa paggamit ng mga generator sets tuwing may brownout. “Kasi hindi naman minsan natin maiwasan na magkaroon ng brownout… lahat ng mga gensets na yan ay powered by diesel mostly,” aniya.
Dagdag pa niya, apektado rin ang operasyon ng mga ambulansya at shuttle services ng mga ospital dahil sa mataas na presyo ng gasolina. Bukod dito, tumataas din ang gastos sa mga imported na gamot at medical supplies, na maaaring magtulak sa mga pribadong ospital na mag-adjust ng kanilang singil.
Bagama’t kinikilala ng PHAPi na mabigat na ang pasanin ng publiko, sinabi ni De Grano na maaaring maramdaman ang pagtaas ng bayarin sa loob ng isa hanggang dalawang buwan kung magpapatuloy ang kasalukuyang sitwasyon.
Samantala, nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala itong direktang kontrol sa hospital fees, ngunit dapat malinaw na ipaliwanag ng mga ospital ang anumang pagtaas, kabilang ang paraan ng pagkalkula nito.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, mahalagang i-breakdown o i-unbundle ang mga bayarin sa ospital upang maunawaan ng publiko kung paano naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis ang serbisyo sa kalusugan. “Huwag lang sabihin ang room rate—dapat malinaw kung magkano ang singil sa kuryente, gasolina, at sweldo ng healthcare workers,” paliwanag niya.
Dagdag pa ng DOH, sa ngayon ay wala pang nakikitang malaking pagbabago sa dami ng mga pasyenteng nagpapagamot, ngunit posibleng dumami ang pupunta sa mga pampublikong ospital kung magpapatuloy ang pagtaas ng gastos sa pribadong sektor.
Patuloy ring binabantayan ng DOH ang presyo ng mga gamot at suplay medikal sa pamamagitan ng inventory checks at contingency planning upang matiyak na hindi maaantala ang serbisyo. Hinikayat din ang PhilHealth na tiyaking makakasabay ito sa posibleng pagtaas ng demand sa serbisyong pangkalusugan.














