NAGA CITY- Sira-sira at mahina ang pundasyon. Ganito ilarawan nang mga residente nang Barangay Laganac, Balatan Camarines Sur ang flood control project sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Aquino Roadel, Barangay Kapitan ng nasabing lugar, sinabi nito tila minadali ang pagkakagawa ng nabanggit na flood control project lalo pa’t mayroon na ring bumagsak na portion nito.
Ayon pa sa opisyal, sira-sira, may bitak-bitak na rin ito at mayroon ding nakapagsabi na ginamitan nang hindi magandang kalidad ng buhangin na nagresulta sa mahinang pundasyon.
Ang nasabing problema ay kanila nang inilapit sa kontraktor ng proyekto ngunit sinabi umano ng mga ito na maayos naman ang kanilang pagkakagawa.
Malaking dagok sa mga residente ang hatid o epekto nang palpak na flood control project lalo pa’t prone sa pagbaha ang kanilang lugar.
Sa tuwing umaaapaw umano ang tubig kasama rin na tinatangay ang nasayang na pondo para sa proyekto.
Katunayan, mayroon nang naanod na mga bahay dahil sa pagbaha na resulta sa kawalan ng maayos na flood control project.
Samantala, ang proyekto ay nagkakahalaga nang P96,478,328 at natapos noong December 15,2023.
Ang contractor na may hawak nang nasabing proyekto ay ang Hi-Tone Construction & Development Corporation.
Maaalala ang Hi-Tone Construction & Development Corporation ang pang-siyam sa labing limang contractors na Pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr nang siyang may pinakamaraming nahawakan na mga anti-flood projects mula pa noong 2022.
Kaugnay nito, hiniling naman nang opisyal sa pamahalaan na tingnan at bisitahin ang kanilang lugar upang masuri nang mabuti ang lagay nang mga flood control project sa kanilang bayan.
Sa ngayon, nananatiling tahimik pa rin ang mga district engineering offices nang mga distrito na may mataas na bilang nang mga flood control project sa lalawigan nang Camarines patungkol sa nasabing isyu.