NAGA CITY – Patay ang isang SK Chairman matapos na makasalpukan ng minamaneho nitong motorsiklo ang isang six wheeler truck sa Brgy. Tara, Sipocot, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Joshua Cuenca, 23-anyos, residente ng Brgy. Caima sa nasabing bayan.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Sur Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng biktima gamit ang motorsiklo nito ang kahabaan ng Northbound direction, ngunit pagdating nito sa nasabing lugar dito na nakasalpukan ni Cuenca ang truck na minamaneho ng suspek na kinilalang si Antonio Rosales, 47-anyos, kasalukuyang nakatira sa Barangay Cambalidio,sa bayan ng Libmanan na nagmula naman sa kabilang direksyon.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na dahil sa nasabing insidente, nagtamo ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad naman na dinala sa ospital.

Ngunit sa kasamaang palad, ideklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek habang nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.