Isinusulong ang modernisasyon at mas episyenteng operasyon ng isang AA-grade slaughterhouse sa bansa, kasabay ng layuning maging mas sustainable at makatutulong sa lokal na ekonomiya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Anselmo Maño, Acting Head, Naga City District Abattoir, sinabi nito mahalaga hindi lamang ang operasyon ng pasilidad kundi pati ang pangmatagalang benepisyo nito sa komunidad, lalo na sa suplay ng karne na bahagi ng pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan.

Kabilang sa mga pangunahing plano ang pag-upgrade ng mga kagamitan upang gawing mas mekanisado ang proseso ng operasyon tulad ng stunning, evisceration, at pagproseso ng mga hayop. Layunin nitong mabawasan ang mabibigat na manual na gawain ng mga manggagawa, mapataas ang efficiency, at mapabuti ang kaligtasan sa trabaho, lalo na sa mga operasyong isinasagawa sa gabi.

Isinusulong din ng pamunuan ang paggamit ng renewable energy, partikular ang solar power, upang mabawasan ang mataas na gastos sa diesel na ginagamit sa kasalukuyang boiler system. Ayon kay Maño, malaki ang epekto ng pabago-bagong presyo ng fuel sa operasyon kaya’t mas mainam na humanap ng alternatibong pinagkukunan ng enerhiya tulad ng solar at iba pang waste-to-energy solutions.

Advertisement

Bukod dito, pinapahusay din ang sistema ng traceability ng mga alagang hayop sa pamamagitan ng ear tagging upang mas madaling matukoy ang pinagmulan ng mga ito, lalo na sa mga kaso ng sakit gaya ng African Swine Fever. Layunin nito ang mas mabilis na pagtugon sa mga posibleng outbreak at mas ligtas na suplay ng karne para sa publiko.

Samantala, kinakaharap din ng pasilidad ang ilang hamon tulad ng kakulangan sa modernong imprastruktura, isyu sa lokasyon, at mga suliranin sa workforce gaya ng pagtanda ng mga butcher at exposure sa hazard sa trabaho. Patuloy ang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at national agencies upang makakuha ng suporta at grants para maisakatuparan ang mga plano ng modernisasyon.

Advertisement