NAGA CITY- Sinusubukan na ng French Government na tugisin ang mga smugglers na nasa likod ng patuloy na paghahakot ng mga migrants papunta sa bansang Europa.
Ito’y kasunod na rin nang pagkamatay ng 31 migrants matapos tumaob ang sinasakyan nitong bangka sa Calais, France.
Sa ulat ni Bombo International News Correspondent Dinah Ventanilla-Sauve, mula sa France, sinabi nito na tila sinasamantala kasi umano ng mga smugglers na ito ang desperasyon ng mga migrants na lisanin ang kanilang bayan.
Aniya, hindi rin naman alintana ng mga migrants ang panganib sa pagsuong sa karagatan gamit lamang ang floatable vessel.
Sa katunyan, handa pa nga umano ang mga itong magbayad ng nasa €1,100 hanggang €2,800 kapalit ng paglulan sa mga vessels.
Samantala, aabot na sa mahigit 40,000 mga migrants ang pumasok sa bansa at nagbabakasakaling makakahanap ng bagong oportunidad malayo sa kaguluhan sa kanilang bansa.
Nabatid kasi na karamihan sa mga migrants ay mula sa Iraq kung saan talamak ang kaguluhan.
Sa ngayon, nagkasundo naman ang dalawang lider ng French at UK government hinggil sa kaukulang hakbang na kanilang gagawin para tuluyan nang maiwasan ang pagtawid ng mga migrants.