NAGA CITY- Tiniyak ngayon ng Southern Luzon Command (SolCom) sa mamamayan na walang sundalo sa kaniyang nasasakupan na mananamantala o mang-aabuso sa likod ng Anti-Terrorism Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay LtCol. Dennis Caña, tagapagsalita ng SolCom, sinabi nito na simula pa ng mga nakaraang linggo, nagsimula na sila sa pagpapaunawa sa mga tropa ng pamahalaan sa mga nakapaloob sa naturang batas.
Tiniyak naman ng opisyal na kung sakaling mayroon pa ring isang sundalo na mananamantala sa kaniyang nasasakupan, hindi aniya ito palalagpasin ng Philippine Army at tiniyak din nito na hindi nila ikokonsinte ang kanilang mga maling gawain.
Ayon kay Caña, kampante siya na walang sundalo lalo na sa ilalim ng SolCom na masasangkot sa iligal na aktibidad kasabay ng pagkakapasa ng naturang batas.
Sa ngayon, ayon sa military official, kung wala namang ginagawang kasalanan, wala rin namang dapat na ikatakot ang mga mamamayan.