NAGA CITY – Muling isinailalaim sa lockdown ang Sangguniang Panlungsod ng Naga.
Ito’y matapos dumalo sa session si Councilor Buddy Del Castillo kahit hindi pa tapos ang 14-day quarantine nito.
Mababatid na una nang nagpositibo sa COVID-19 ang naturang konsehal.
Kaugnay nito, sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Naga City Councilor Lito Del Rosario, sinabi nito na nasa 50 indibidwal ang dumalo sa session ng Sangguniang Panlungsod kasama na si Naga City Vice Mayor Nene De Asis at iba pang mga opisyal.
Dahil dito magsasailalim sa limang araw na self isolation ang naturang mga indibidwal at magsasailalim din sa swab test.
Dagdag pa ni Del Rosario, sinuman ang magpositibo sa COVID-19 matapos ang naturang test ay magsasailalim sa 14-day quarantine.
Sa ngayon, pag-uusapan pa umano ng mga opisyal ng Sanggunian ang mga susunod pang hakbang kaugnay ng insidente.