Nagbabala si Senate President Vicente Sotto III na maaaring may mga “loopholes” ang panukalang Anti-Political Dynasty Bill, partikular sa usapin ng extramarital partners at kanilang mga kamag-anak na posibleng hindi saklaw ng batas.
Sa pagtalakay ng panukala, tinanong ni Sotto kung malinaw bang sakop ng panukala ang mga karelasyon ng kasalukuyang opisyal na hindi nila asawa, at kung paano ito ipatutupad kung sakaling may ganitong sitwasyon.
Sinagot naman ni Risa Hontiveros, chairman ng Committee on Electoral Reforms, na saklaw ng panukala ang ganitong uri ng relasyon at ang Commission on Elections (COMELEC) ang magpapasya kung umiiral ang naturang ugnayan.
Ayon kay Hontiveros, maaaring ma-void ang certificate of candidacy ng isang kandidato kung mapatutunayang may political dynasty connection. Maaari ring maghain ng quo warranto petition kung matuklasan ang ganitong ugnayan matapos ang halalan.
Saklaw ng panukala ang political dynasties hanggang ikalawang degree ng consanguinity at affinity, kabilang ang asawa, magulang, anak, kapatid, lolo’t lola, at apo.
Gayunman, itinuro ni Sotto na hindi tahasang sakop ng panukala ang kapatid, magulang, o anak ng kasintahan ng isang opisyal, na aniya’y maaaring maging daan sa paglilipat ng impluwensya.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangang matugunan ang mga posibleng butas sa panukala upang matiyak ang bisa at integridad nito, habang sinabi naman ni Hontiveros na patuloy pa nilang pag-aaralan ang usapin upang mapagtibay ang panukala.














