NAGA CITY – Tiniyak ng special investigation task group na mag-iimbestiga sa pananambang kay dating-congressman Ronaldo Nonoy Andaya na mabubuo ang mga kinakailangang ebidensya upang mabigyang linaw ang nasabing insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt Col Louie Manuel Dela Peña, tagapagsalita ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), sinabi nito na makakatulong sa imbestigasyon ang mga salaysay ng mga residente na mismong nakakita sa pananambang sa dating kongresista.
Una rito, agad na binuo ang naturang SITG para mas mapadali pa ang imbestigasyon sa insidente.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng opisyal na ang itatagal ng nasabing imbestigasyon ay nakadepende sa mga makakalap na ebidensya ng naturang grupo.