Inilunsad ng Social Security System (SSS) ang bagong facial authentication system na magbibigay-daan sa mga pensioner na makapag-verify ng kanilang identidad mula sa bahay.
Simula Marso 11, 2026, maaari nang isagawa ng mga pensioner ang kanilang Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) online gamit ang facial recognition technology, na layong gawing mas madali, mabilis, at ligtas ang proseso.
Ayon kay Robert Joseph de Claro, ang sistema ay konektado sa Philippine Identification System upang matiyak ang tamang pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo.
Mayroon din itong “liveness check” upang masiguro na totoong tao ang gumagamit at maiwasan ang panlilinlang.
Available ang naturang serbisyo para sa mga sumusunod:
– Mga retirement pensioner na edad 80 pataas sa Pilipinas
– Mga pensioner na nasa ibang bansa
– Mga survivorship pensioner
Upang magamit ito, kailangan lamang:
– Bumisita sa SSS website
– I-click ang ACOP icon
– Sundin ang facial scanning gamit ang cellphone, tablet, o computer na may camera
Konektado rin ang system sa eVerify platform ng Philippine Statistics Authority at karaniwang natatapos ang proseso sa loob ng isang minuto, na agad nag-a-update ng records ng pensioner.
Mahalaga ang ACOP dahil ito ay taunang requirement upang mapatunayan na kwalipikado pa ang isang pensioner; kung hindi ito maisasagawa, maaaring maantala o tuluyang mahinto ang kanilang pension.
Para naman sa mga walang access sa internet o gadget, maaari pa ring mag-ACOP sa pamamagitan ng SSS branch E-Centers, video call verification, o personal na pagpunta sa mga tanggapan.
Ayon sa SSS, bahagi ito ng kanilang patuloy na modernisasyon upang mapabuti ang serbisyo para sa halos apat na milyong pensioners sa loob at labas ng bansa.










