Itinanggi ng kompanyang Stradcom Corp. ang paratang ng katiwalian kaugnay ng kanilang kontrata sa Land Transportation Office (LTO) at iginiit nitong ang kanilang operasyon ay naaayon sa isang legal at balidong concession agreement sa gobyerno, kasunod ng reklamo ng transport group na Federated Land Transport Organizations of the Philippines (FELTOP) sa Office of the Ombudsman.
Ayon sa pahayag ng Stradcom, “Ang kumpanya ay nagpapatakbo at nagbibigay serbisyo sa LTO alinsunod sa isang balido, legal, mapanagot, at enforceable na concession agreement sa gobyerno.” Dagdag pa nito, patuloy silang sumusunod sa mga termino ng kasunduan at tumutulong sa LTO upang mapahusay ang serbisyo sa publiko.
Ani Stradcom, hindi pa nila natatanggap ang opisyal na kopya ng reklamo, at titingnan nila ang mga paratang kapag ito ay formal na naihain. “Sa tamang panahon, kami ay tutugon at gagawa ng kinakailangang hakbang legal upang harapin ang tila walang batayang paratang ng katiwalian laban sa aming kumpanya,” dagdag ng kompanya.
Ang FELTOP ay nagreklamo sa pagkolekta ng P169 kada transaksyon sa pamamagitan ng LTO-IT System na binuo ng Stradcom, na umano’y nakalikom ng hindi bababa sa P169 milyon mula Enero 2025 hanggang Pebrero 2026. Itinuro rin nila ang umano’y pabor mula kay dating LTO Chief Vigor Mendoza II, na mariing itinanggi ang akusasyon at tinawag itong “desperation to get even.”














