NAGA CITY- Kinumpirma ni Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office head Dr. Melchor Avenilla na nadagdagan pa ang bilang ng mga stranded na byahero sa mga bayan ng Calauag at Lopez, dahil sa binabahang mga kalsada.

Ayon kay Avenilla sa panayam ng Bombo Radyo Naga, may mga parte ng kalsada na lubog lagpas taong (5 ft) lalim ng baha at hindi maaaring makalusot ang mga sasakyan.

Tinatayang nasa 2,000 na ang mga nakatenggang behikulo sa bayan ng Lopez, habang meron din sa bahagi ng Calauag.

Sinasabing nasa limang kilometro ang bahagi ng kalsadang may mga stranded na sasakyan sa nasabing probinsya.

Pero nilinaw ni Avenilla sa Bombo Radyo Naga na wala nang pag-ulan sa kanilang lugar, ngunit posibleng ang tubig na mula sa matataas na lugar at ang high tide ang naging sanhi ng panibagong baha ngayong araw.

Umaapela rin ito sa national government, dahil ang ayuda nilang nakalaan sa mga apektado ng kalamidad ay nagamit na noong nagdaang bagyong Ofel at low pressure area (LPA), bago pa dumating ang tropical storm Pepito.