NAGA CITY- Nakahanda ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Daet na magsagawa ng stress debriefing para sa mga nagkaroon ng trauma matapos madiskaril ang Ferris Wheel sa isang peryahan sa Brgy. Lag-On, Daet Camarines Norte.
Mababatid, kagabi nang magkaroon ng aberya ang nasabing ride kung saan na-trap ang 15 sakay nito kasama na ang 2 years old na bata.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SInsp. Vener Tabaniag, Fire Marshal ng (BFP)-Daet, sinabi nito na nang madiskaril ang Ferris Wheel ay kusa itong huminto.
Dagdag pa nito, ang nasabing insidente ay ang kauna-unahang aberya na naitala sa mga peryahan sa bayan ng Daet.
Ayon pa sa opisyal, ang nasabing uri ng ride ay may taas na tatlong palapag kung saan kinailangan nilang gawin ang high angle rescue.
Kaugnay nito, katulong umano sa pagresponde sa insidente ang Daet Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRM), Mount Labo Rescue Team at Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO).
Dahil dito, matapos ang isang oras na rescue operation, maingat na nailigtas ang mga sakay ng Ferris Wheel kung saan wala namang nasaktan sa insidente.
Sa ngayon, mananatiling suspendido ang operasyon ng nasabing peryahan hanggang nagpapatuloy ang imbestigasyon katulong ang Engineering Office ng Local Government Unit (LGU)-Daet.
Ang inspeksyon na gagawin ng mga awtoridad ay para matiyak din na ligtas ang iba pang mga rides sa nasabing peryahan.
Samantala, ilang araw nang nag-ooperate ang iba’t ibang rides sa lugar bilang bahagi ng nalalapit na Pinyasan Festival ng nasbaing bayan Hunyo 24, 2022.