NAGA CITY- Naitala ang nangyaring sunog sa isang sub-barracks ng Provincial Sagip-Kalikasan Task force sa Zone 2 Brgy Tagongtong, Goa, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Fire Inspector Henson A. Perez, Acting Municipal Fire Marshal ng BFP-Goa sinabi nito na una umano itong napansin ng mga residente na malapit sa lugar kung saan agad naman itong naapula.
Nabatid na wala umanong tao sa nasabing lugar bago pa nangyari ang sunog dahil umalis umano sa nasabing barracks ang mga biktima na kinilalang sina Ariel Palmaria at Jayson Tadeo parehas miembro ng Provincial Sagip-Kalikasan Task force.
Ayon kay Perez, base sa imbestigasyon gawa umano sa kahoy ang nasabing kubo kung kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Kaugnay nito wala pa aniyang nakikitang rason ang mga otoridad sa naging rason ng nasabing sunog.
Samantala, dahil malayo naman aniya sa ibang bahay ang nasabing barracks kung kaya wala namang nadamay sa insidente.
Habang tinataya naman umano sa P2, 000 ang iniwang danyos ng nasabing sunog.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.