NAGA CITY- Agad na nirespondehan ng tropa ng gobierno ang isang sugatan na miyembro ng New People’s Army (NPA) na humingi ng tulong matapos iwanan ng kaniyang grupo.
Kinilala ang naturang miyembro ng rebeldeng grupo na si alias Marco.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Public Affairs Office, 2ID, PA Camp General Mateo Capinpin, ng Tanay, Rizal, napag-alaman na si alias Marco ay kasama sa grupo ng mga rebeldeng grupo na nakaengkwentro ng tropa ng gobierno nang Pebrero 5 sa Sitio Pung-uy, Brgy. Masaya, Buenavista, Quezon.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nasugatan si Marco dahil sa naturang engkwentro kung saan pinangakuan pa ito ng kaniyang mga kasamahan na babalaikan na lamang ito.
Ngunit ilang araw na umano ang nakalipas matapos ang nasabing engkwentro at hindi pa ito binabalikan ng kaniyang mga kasamahan kung kaya humingi na lamang ito ng tulong sa tropa.
Kaugnay nito, pinuri naman ni MGen. Greg Almerol, Commander ng 2ID ang naging pagresponde ng tropa ng gobierno kay Marco.
Ayon sa opisyal, patunay lamang umano ito na sibilyan man o mga kaaway ay nakahanda pa rin tumulong ang tropa sa mga nangangailangan.
Sa kabila nito, patuloy pa rin na naitatala ang mga engkwentro lalo na nang mga nakaraang linggo sa pagitan ng tropa ng gobierno at mga rebeldeng grupo.
Kung saan, ikinamatay ito ng tatlong sundalo at dalawang miembro ng pinaniniwalaang NPA habang sugatan naman ang dalawa pang sundalo.
Kaugnay nito, narekober pa ang nasa walong high-powered firearms mula sa mga terorista.
Sa ngayon, nagdagdag pa ng pwersa mula sa tropa ng gobierno na dineploy kung saan inalerto rin ang mga military assets para sa suporta sa nagpapatuloy na pursuit operations laban sa mga nakatakas na NPA.