NAGA CITY- Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa pagsabog ng isang Improvised Explosive Device (IED) sa parking lot ng isang bangko sa Panganiban drive sa lungsod ng Naga.

Ayon kay PSMSgt. Toby Bongon, tagapagsalita ng Naga City Police Office (NCPO), base sa kuha ng CCTV camera ng bangko, basado alas-5:53 ng hapon kahapon, Pebrero 2, 2022 nang may magtapon ng plastic sa nasabing lugar ngunit matapos ang dalawang minuto ay sumabog ito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napinsala sa pagsabog ang ilang sasakyan na nakaparada sa parking area ng bangko.

Ani Bongon, kung nais manakit ng suspek, sa mataong lugar sana umano nito linagay ang pampasabog.

Sa kabila nito, wala pa namang opisyal na pahayag ang nasabing bangko.