NAGA CITY – Umabot sa humigit-kumulang P25-M na pinsala na iniwan ng sunog na sumiklab sa isang Oil Mill sa Lucena City.
Ang nasabing sunog ay itinaas pa sa ikatlong alarma na nangyari sa purok Jasmine Barangay Domoit, Lucena City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Naga kay Rodel Nota, fire superintendent ng Lucena City Fire Marshal, sinabi nito na nakatanggap sila ng tawag alas-4:23 ng umaga kahapon, araw ng Huwebes at na-ideklara na fire under control ang sunog bandang alas-8:26 habang tuluyan ng naapula pasado alas-9:45 ng umaga.
Aniya, wala namang naitala na casualties sa insidente ngunit dahil dito, pansamantalang itinigil ang operasyon ng nasabing Oil Mill sa nasabing lungsod.
Kaugnay nito, patuloy pang inaalam ng kanilang opisina ang pinagmulan ng sunog.
Samantala, ito naman ay maituturing na isa sa pinakamalaking sunog na nangyari sa lungsod pagdating sa industrial occupancy
Sa ngayon, patuloy ang paalala ng opisyal sa publiko na palaging mag-ingat sa mapaminsalang sunog at tiniyak na mayroon naman silang ginagawang programa gaya na lamang ng Oplan Ligtas na pamayanan upang maiwasan ang kahalintulad na pangyayari.