NAGA CITY- Mas mahigpit pa ang ginagawang pagpapatrolya at combat operation ng mga tauhan ng Phil. Army sa bahagi ng Bicol Region matapos ang nangyaring magkakasunod na engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at Communist Terrorist Group maging ng mga rebeldeng New People’s Army.
Maaalala, nito lamang Pebrero 26, 2024 nakasagupa ng mga sundalo ng 83 Infantry Batalion, Phil Army ang nasa humigit kumulang 15 miyembro ng pinaghihinalaang mga rebeldeng New People’s Army pasado ala 1:40 ng madaling araw sa Barangay Binalay, Tinambac, Camarines Sur. Sa parehong araw rin, pasado alas 6:25 ng umaga nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan naman ng 81st Infantry Batalion Phil Army at nasa humigit kumulang 10 miyembro ng Communist Terrorist Group sa Barangay Lubgan, Bula, sa nasabing lalawigan. Umabot sa humigit kumulang sampung minuto ang nangyaring palitan ng putok ng magkabilang panig.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Major Frank Roldan, Division Public Affairs Office Chief ng 9th Infantry Division Phil. Army, sinabi nito na sa nasabing bakbakan walang napaulat na sugatan o binawian ng buhay sa hanay ng mga kasundaluhan pero pinaniniwalaan naman ng mayroon umanong lubhang nasugatan sa panig ng mga rebeldeng grupo batay na rin sa maraming bakas ng dugo na natagpuan sa pinangyarihan ng engkwentro.
Ayon pa sa opisyal, narekober din sa lugar ng insidente ang mga naiwang gamit pandigma ng mga rebeldeng grupo gaya na lamang ng M16 rifle, mga bala ng baril at mga personal na gamit.
Samantala, sa pagpasok ng taong 2024 nasa humigit kumulang 10 hanggang 20 na engkwentro na ang naitala sa pagitan naman ng tropa ng pamahalaan at mga makakawalang grupo.
Patuloy naman ang paghihikayat ng opisyal sa lahat ng miyembro ng mga rebeldeng grupo sa buong bansa na magbalik-loob sa pamahalaan upang matapos na ang pagdanak ng dugo at pagbubuwis ng buhay sa pagitan ng dalawang panig.
Sa ngayon, pinasalamatan naman ni Major Roldan ang publiko sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga ito patungkol sa presensiya ng mga rebeldeng grupo lalo na sa mga liblib na lugar sa Rehiyong Bikol na itinuturing nilang malaking tulong sa panig ng Philippine Army sa paglaban kontra sa insurhensiya sa bansa.