NAGA CITY- Halos hindi na makilala ang isang bangkay matapos sinugin ng hindi pa nakikilalang salarin sa bayan ng Sta. Elena, Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Elezaldy Calingacion, hepe ng Sta. Elena-PNP, sinabi nitong isang grupo ng mga kabataan ang nakadiskobre ng isang sunog na bangkay sa bulubunduking bahagi ng Purok-5, Barangay Bulala.
Ayon kay Calingacion, sunog na sunog ang naturang bangkay na halos hindi na rin matukoy ang kasarian nito.
Aniya, pinaniniwalaang sa ibang lugar pinatay ang biktima at doon lamang itinapon at sinunog sa naturang barangay.
Sa ngayon, kinuhanan na lamang aniya ng DNA ng mga otoridad ang bangkay para may maging basehan ang sinumang maghahanap na kamag-anak.
Kaugnay nito, isang malalimang imbestigasyon ang nakatakdang isagawa ng kapulisan kaugnay ng naturang krimen.