NAGA CITY – Tinatayang aabot sa P1.2-M ang pinsala na iniwan ng sunog na sumiklab at kumitil sa anim na magkakamag-anak sa Candelaria, Quezon.
Maaalala, una nang kinilala ang mga biktima na binawian ng buhay na sina Delia Corales Cruzat, lola ng pamilya, 69-anyos, at lima nitong mga apo na nag-e edad 21-anyos, 18, 16, 9-anyos na lahat babae at isang 10-anyos na lalaki.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Naga kay FO3 Jayson Glodoviza ang Fire Arson Investigator ng BFP Candelaria, sinabi nito na bandang alas-2 ng madaling araw ng mangyari ang insidente kung saan nasa kasarapan ng tulog ang mga biktima.
Inamin naman ng opisyal na nahirapan ang kanilang mga tauhan na apulahin ang sunog dahil bago pa man umano sila dumating sa lugar ay malaki na ang apoy, dagdag pa na gawa sa light materials ang nasabing bahay na naging dahilan rin ng mabilis na pagkalat ng sunog.
Nang maapula naman ang sunog dito na natagpuan ang wala ng buhay na katawan ng anim na biktima na ayon kay Glodoviza suffocation ang naging dahilan ng kamatayan ng mga ito dahil na rin sa makapal na usok sa loob ng bahay.
Samantala, nasugatan man ngunit maswerte namang nakaligtas ang 48- anyos na nanay na si Vangie Quirrez, at isa pang kamag-anak ng mga ito na si Edna Cruzat, 37-anyos na unang nakalabas sa nasunog na bahay.
Ayon pa kay Glodoviza, hindi rin umano agad na napansin ng mga kapitbahay ng mga biktima ang pangyayari kung saan karamihan sa mga ito ang naalarma at nagising lamang dahil sa sirena ng kanilang mga fire trucks.
Ito naman umano ang pinakaunang pagkakataon na may sumiklab na sunog sa nasabing lugar, ngunit wala naman umanong indikasyon ng foul play sa nasabing pangyayari.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente lalo na ang pag-alam sa posibleng pinagmulan at dahilan ng pagsiklab ng nasabing sunog, ngunit tinataya umanong aabot sa humigit kumulang P1.2 million ang halaga ng nasunog na bahay.