NAGA CITY – Tinatayang aabot sa humigit kumulang P1-M ang pinsala na iniwan ng sunog na tumupok sa anim na commercial establishments sa Tinambac, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SFO3 Damaso L. Boncodin III, Officer-in-Charge ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Tinambac, sinabi nito na bandang alas-3:15 ng madaling araw ng makatanggap sila ng tawag mula sa isang Junjun Basco, residente ng Zone 7, Barangay Tamban sa nasabing bayan na mayroong nagaganap na sunog malapit sa commercial area ng lugar.
Agad namang rumesponde ang mga fire truck ng LGU-Tinambac maging ng BFP, ngunit malaki na ang sunog ng dumating ang mga ito dahilan upang itaas sa ikalawang alarama ang insidente.
Dahil dito, agad namang humingi ng asistensya ang mga awtoridad sa mga katabi nitong bayan sa Goa at Calabanga upang maapula ang sunog lalo na at walang fire hydrant sa nasabing barangay.
Sa tulong naman aniya ng kanilang provincial directress ay nakakuha pa sila ng tulong mula sa Lagonoy Fire Station.
Naapula naman ang sunog ngunit sa kasamaang palad ay anim na mga establishement ang natupok ng apoy, kung saan tanging dalawang building at substation lamang ng Coast Guard ang hindi nadamay.
Dagdag pa ni Boncodin, muntik na ring madamay sa insidente ang nasabing substation ngunit agad itong napigilan matapos na mag bucket relay ang mga tauhan nito upang hindi na ito madamay pa sa sunog.