NAGA CITY- Sumiklab ang sunog sa residential area sa Purok Ipil 2 Brgy 9, Lucena City.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap umano ng tawag ang Lucena Municipal Police Station patungkol sa pagsiklab ng sunog sa nasabing lugar.

Kaugnay nito, kaagad naman na nagresponde ang mga tauhan ng nabanggit na hepatura kasama ang BFP.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, lumalabas na umabot sa mahigit kumulang P900,000 ang pinsala na iniwan ng sunog habang nasa 19 pamilya o nasa 70 indibidwal ang naapektuhan.

Samantala, una na ring ini-report ng mga otoridad na walang nasugatan o binawian ng buhay sa pangyayari.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad lalo na sa pag-alam sa sinimulan o dahilan ng nasabing insidente.