UMABOT sa P250K na halaga ng danyos ang iniwan ng sunog na sumiklab sa isang bahay sa Purok Atin-atin II, Brgy. Marketview, Lucena City.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas Liezel, 52-anyos, at alyas Sonny, 32-anyos, parehong residente ng nabanggit na lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na bandang alas dos treinta ng hapon ng Enero 20, 2024, nang sumiklab ang sunog galing sa ikalawang palapag ng bahay ni Liezel habang nadamay naman ang katabing bahay nito na tinitirhan ni Sonny, kung saan natupok ang ikalawang palapag ng bahay nito.
Idineklara naman ang fire out bandang alas-2:45 ng hapon sa kaparehas na araw.
Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng pinagsimulan ng naturang sunog.
Tinatayang nasa 100k ang halaga ng danyos na iniwan sa bahay ni Liezel habang nasa P150K naman ang iniwan nito kay Sonny, sa kabuuan na P250K.
Pinagpapasalamat naman ng mga awtoridad na walang nadamay na buhay sa nangyaring sunog.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa nabanggit na pangyayari.