NAGA CITY – Labis ang naging pasasalamat ng alkalde ng lungsod ng Naga sa naging pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kahapon, Marso 16, 2023.
Mababatid na nakasama ang lungsod sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing (4PH) Program ng pamahalaang nasyonal.
Sa naging pagharap sa mga kagawad ng media ni Naga City Mayor Nelson Legacion, sinabi nito na ang pagkakasali ng Naga sa proyektong ito ay nagdala ng malaking karangalan at tulong para sa mga Nagueño na mabebenipisyuhan ng nasabing pabahay.
Aniya, nakakatuwang marinig mula sa mismong talumpati ng Pangulo ang papuri para sa development ng lungsod kung saan nabanggit ni Pangulong Marcos na halos kumpleto na ang mga proyekto sa lungsod at tanging pabahay na lamang ang kulang na isang flagship program ng kasalukuyang administrasyon.
Binigyang diin pa ni Legacion na nakahanda na ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Naga sa nasabing proyekto.
Samantala, batay naman sa nakalatag na perspective at plano, pitong condominium unit na mayroong 12 palapag ang ipapatayo kung saan maaaring mabenipisyuhan ang nasa 1,500 na indibidwal.
Ngunit iginigiit din umano ng kasamahan ng Pangulo na gawing 24 na palapag para ma-accomodate ang 3,000 katao.
Sa ngayon, kinilala na lamang ng alkalde ang suporta at tulong ng Pangulo sa lungsod ng Naga na magdadala pa ng paglago nito kung saan maaari ring kilalanin bilang isang nangungunang lungsod sa ganitong uri na mga programa.