NAGA CITY – Natunton na ng mga otoridad ang mga suspek sa likod ng karumaldumal na pagpatay sa isang myembro ng LGBTQ sa bayan ng Tigaon, Camarines Sur.
Ito’y may kaugnayan sa isang bangkay na una ng natagpuang nakahandusay at napupuluputan ng alambre ang leeg na kinilalang si Vincent Guadalupe, 28-anyos, miyembro ng LGBT.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj Chester Pomar, Chief of Police ng Tigaon Municipal Police Station, sinabi nito na sa isinagawang follow-up operation ang mga otoridad ay dito na nakilala ang mga suspek na sina John Rene Touzo at Joshua Garayan, pawang 18-anyos at residente ng Caraycayon sa nasabing bayan.
Ayon kay Pomar, lumalabas na ang dalawang suspek ang huling nakasana ni Guadalupe nang gabing mangyari ang nasabing krimen.
Lumalabas rin umano sa imbestigasyon na ang hindi pagbabayad ng biktima sa binigay na sekswal na serbisyo ng mga suspek ang nag-udyok sa mga ito na patayin ang biktima.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga suspek habang hinahanda na ang kasong isasampa laban dito.
Samantala labis naman ang pasasalamat ng mga pamilya ng biktima sa agarang pagkakadakip sa nasabing mga suspek.